Miyerkules, Oktubre 29, 2014

Time Machine

Time Machine
Isinulat ni Camille Vivar




"If you have one wish to be granted, what would you wish for?"

Ilang ulit na ba natin narinig ang ganyang tanong? Ako maraming beses na, at hanggang ngayon hindi ko pa rin ito nasasagot, sa dinami dami ba naman ng gusto kong bagay hindi ko alam kung alin ang pinaka importante. Gusto kong hilingin na maging mayaman, pero masyadong makasarili kung ganun at paniguradong may karma.Gusto ko ding maging ubod ng talino pero may masamang epekto, baka mabaliw pa ako ng tuluyan. Ang pangit naman kung hihilingin ko na magustuhan ako ng taong gusto ko, walang kwentang bagay...

Minsan naisipan ko na ang sa tingin ko ay ang pinaka magandang hiling. Iyon ay ang mabigyan ako ng isang araw para maging masaya, isang araw kung kailan lahat ay pabor sa akin. Walang problema, walang away, walang kahit ano na magpapasama ng loob ko.Isang araw na hindi ko kakailanganing mag-aral,walang pagsusulit na paghahandaan,walang kahit anong magpapagod sa aking isipan. Walang hugasan na mag-aantay sa akin, walang sermon na sasalubong sa pag-uwi ko. Gusto kong mabigyan ng pagkakataon na gawin ang mga bagay na sa ngayon ay imposibleng magawa ko. Isang araw na pahinga... Pero sa loob ng 24 oras na yun magagawa ko kaya lahat ng bagay na gusto kong gawin? At paano na pagkatapos ng araw na iyon, paano na ang ma gawin na iniwan ko? Hindi ito ang bagay na karapat dapat na hilingin.

"Time is gold."

Lagian ko ring naririnig ang mga salitang yan. Isang pangungusap na gasgas na gasgas na.Yung tipong wala ng epekto sa akin tuwing maririnig ko, pero bigla akong napaisip nang dahil sa mga katagang iyan.Dahil sa kawikaing iyan nasagot ko sa sarili ko kung ano ang pwede kong hilingin...

Ang oras na siguro ang pinaka mahigpit na kalaban ng tao. Kahit gaano ka man kalakas, gaano ka man kayaman, katalino, kahit anong pang meron ka hindi mo malalabanan ang oras. Hindi mo ito mapapabagal sa mga panahong may hinahabol kang deadline. Hindi mo ito mapapahinto sa mga pagkakataong okay na at masaya na ang lahat. Hindi mo ito maibabalik para baguhin ang mga bagay na pinagsisisihan mo...Maabutan man ni Tom si Jerry, maabot man ng runner ang finish line, pumikit man ang iyong mga mata, patuloy pa rin ang pagtakbo ng oras. Hindi nagpapapigil sa kahit ano mang dilubyo o aksidente. Ano man ang mangyari, patuloy ang pag-inog ng mundo, patuloy na lilipas ang panahon.

Kung mayroon akong isang kahilingan, hihilingin kong magkaroon ng Time Machine...babalikan ko ang mga alaalang gusto kong maranasan muli, babaguhin ko ang mga bagay na alam kong mali at pinagsisisihan ko, gagawin ko ang mga bagay na hindi ko nagawa. At siguro ihahanda ko ang sarili ko sa mga pangyayari sa kasalukuyan. Pero hanggang ngayon ay wala pa ring time machine na naiimbento, siguro dahil hindi nararapat na balikan ang nakaraan at lakbayin ang hinaharap. Dahil ang oras ay isang guro...sa paglipas nito tayo ay naiiwanan,nangiiwan, nagbabago, at natututo. Hindi natin maibabalik ang panahon. 

Alam ko mang hindi ko makakamtan ang hiling na ito, isang kaalaman naman ang aking natutunan. Walang time machine. Kaya dapat lang na gawin mo ang mga bagay na gusto mo bago pa mahuli ang lahat. Simulan mong tuparin ang mga pangarap mo. Pahalagahan mo ang mga taong nakapaligid sayo, hindi mo alam kung kailan darating ang oras nila para mawala. Sabihin mo ang mga dapat mong sabihin, humingi ka ng tawad, matuto kang magpatawad, magmahal at tumanggap ng pagmamahal. Pahalagahan mo ang bawat araw, oras, minuto at segundo. Hindi dapat antayin ang panahon na hihilingin mong mgakaroon ng time machine...



Miyerkules, Oktubre 22, 2014

Introducing Me



Ako ay isang normal na nilalang na may normal na buhay, pero sa kabila ng mga ito ako ay may abnormal na pag-iisip. May mga bagay at pagkakataong ang aking isipan ay lumilipad sa mga lugar na hinding hindi mo mararating. Kaya naman naisipan kong gumawa ng blog upang ika'y isama sa paglalakbay ko. Sa pamamagitan ng iyong pagbasa sa kung ano mang nakasulat dito, ay binibigyan kita ng pagkakataong silipin anng mundo sa aking mga mata. Hangad ko na maligayahan ka sa iyong pagdalaw :)

Exams 101: Dasal



Tingin sa test paper.
Kamot ulo.
Buntong hininga.

        Iyan na siguro ang kadalasang reaksiyong ng isang estudyante sa sandaling matanggap niya ang kaniyang test paper. Napapakamot sa ulo sa kadahahilanang maaring hindi niya alam kung saan sulok ng kaniyang utak hahanap ng sagot. At mapapabuntung hininga na lamang sa kawalan ng pag-asa. At sa ganitong mga sitwasyon may mga paraan pa naman.
      
Una, tumingin sa iyong paligid. Obserbahan kung ikaw lang ba ang tanging nahihirapan, at kung hindi malamang ay sadyang mahirap lang talaga ang inyong pagsusulit.Talasan ang mga mata sa mga taong mukhang alam na alam na ang sagot, malaki ang maitutulong nila.
       
Pangalawa, tingnan ang iyong katabi. Siya ang iyong magiging sandigan sa oras na iyon. Isang ngiti muna at subukan mo ring magsagot. At kung may hindi ka talaga alam, oras na upang ikaw ay magtanong, at wag mo ring kalimutang kahit papaano ay tulungan din siya. At kung madamot, ipaalala mo ang kasabihang,"It's better to give than to receive." Baka sakaling umepekto.
       
Ikatlo, at kung wala talagang mabuting loob na tutulong sa iyo, basahin mo ang iba pang katanungan. Kadalasan ang ibang sagot sa naunang tanong ay doon mo makikita.Pilitig intindihin ang mga tanong at maghanap ng clue para sa sagot. Parang blues clues lang.

       Pero isa lang naman ang dapat gawin sa mga ganitong sitwasyon. Kung saan mukhang wala pang kalahati ang makukuha mong iskor, ito ang magdasal. Mag-dasal ka na maalala mo ang lahat ng itinuro sa iyo.Na maintindihan mo ang bawat tanong at masagutan mo ng maayos ang lahat ng exams. Dahil sa oras na wala ka ng magagawa,dasal na lang ang iyong magiging sandata.